November 21, 2009
Ni Teo S. Marasigan
Mahusay ang pagpapakita ng pagiging brutal ng karahasang pinawalan ng rehimeng Arroyo sa mga aktibista at maging sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at mamamahayag – na, katulad ng mga aktibista, ay nagsisiwalat ng lagay ng mga mamamayan. Mahusay rin ang pagpapakita kung paano nilalaro ng militar ang opinyong publiko sa pamamagitan ng simpleng pagbaligtad ng mga kwento – imbes na militar ang gumawa ng isang bagay, ibibintang ito sa New People’s Army o NPA.
Nakatulong ang paggamit sa pagbabalik-tanaw at hindi pagiging linyar ng naratibo. Ang hinala ko, solusyon ito sa praktikal na problemang hinarap ng mga gumawa ng pelikula, dahil nga nakatuon ito sa tortyur. Naiadya nito ang mga manonood sa tuluy-tuloy na panonood sa karahasang dinanas ng magkasintahan sa kamay ng militar.
Mahigpit ang pagkakatahi ng istorya, at lalong dapat itong papurihan dahil ayon kay Bonifacio P. Ilagan, sumulat ng script ng pelikula, batay ang lahat ng laman ng istorya sa mga kwentong naganap sa totoong buhay – ibig sabihin, sa mga aktwal na dinanas ng mga aktibista sa bansa. Sa matatag na pagharap nina Junix at Maricel sa pagpapahirap ng militar – hindi nagsuplong, walang ipinahamak – maaalala tuloy ang iba pang katulad na kwento ng iba pang progresibo at rebolusyunaryo sa bansa.
Isa pang martir sa labanang iyun sa Panay si Antonio Hilario (TonyHil), inaalala ng mga kasama kahit ngayon bilang “utak pang-organisasyon” ng Samahan ng Demokratikong Kabataan… [S]ugatan si TonyHil. Sabi ng mga nakasaksi, inilibing nang buhay si TonyHil ng mga sundalo ng kaaway. Nang nakataas ang kamao ng pagbabalikwas, sumisigaw siya ng “Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” habang sadistang tinatabunan ng lupa ng kaaway. [Antonio Zumel, “Remembering the Martyrs,” 1992 nasa Radical Prose: Selected Writings, 2004.]
Sa mga hindi aktibista, ipinapakilala ng pelikula ang panganib na dulot ng cellular phone sa mga aktibista – na tumampok sa panahon ng paghahari ng rehimeng Arroyo.
Para sa karaniwang tao, normal na gamit pangkomunikasyon lang ito at pinagmumulan ng kasiyahan sa araw-araw. Pero bukod sa narito ang mga taong kaugnayan ng isang aktibista, ginagamit din itong pang-tukoy ng kinaroroonan niya. Sa panahon ng rehimeng Arroyo, maraming kwento tungkol sa bagay na ito.
Sa isang probinsya, bago lumaganap sa mga aktibista ang kaalaman tungkol sa panganib ng cellphone, nagpupulong ang ilan sa kanila:
Aktibista 1: (Nakatingin sa cellphone.) Oh, bakit nagte-text ka pa eh kaharap lang kita? Tsaka narinig mo naman ang sinabi niya, bakit itinatanong mo pa ulit?
Aktibista 2: Hindi ako nagte-text.
Bagamat naipakita ng pelikula na wasto at makatarungan ang ginagawa ng mga aktibista, mas madiin ito sa pagsasabi ng isang punto: Na kung inaakusahan man sila ng kung anong kasalanan ng Estado, hindi sila dapat basta na lang dukutin o barilin, kundi litisin at ipakulong. Ito naman talaga ang pagtinging mas makakahatak sa mas marami para tumutol at lumaban sa pagdukot at pagpaslang sa mga aktibista.
Tiyak, gayunman, na mapapaisip ang mga nagpasyang maging kritikal sa pelikula kung bakit pinatay ng kapatid ni Junix ang militar na bagamat oo nga’t nagtortyur at pumatay sa kanyang kapatid ay dapat din sigurong iharap sa batas at parusahan batay dito. Hindi ba’t labag ito sa sinasabi ng pelikula?
Dito hirap ang maraming liberal sa bansa: ang igiit ang dapat habang kinikilala ang totoo – ang igiit na dapat parusahan sa batas ang mga inaakusahang nagkasala rito habang kinikilalang marami ang gumagamit ng dahas labas sa Estado para maghanap ng katarungan sa mga pandarahas ng militar.
Ano ang kaibahan ng liberal at Marxista?
Kapag nakakita sila ng pulubi sa kalsada…
Sasabihin ng liberal: Hindi gumagana ang sistema.
Sasabihin ng Marxista: Gumagana ang sistema.
Ang hinala ko, pinatay ng kapatid ni Junix ang militar sa dulo hindi bilang personal na paghihiganti, kundi bilang miyembro ng NPA. Ang pinangyarihan ng pagpatay – ang sabungan – ang batayan ko. May inilathala kasi dati ang Pinoy Weekly tungkol sa pagpatay ng NPA sa isang elemento ng militar na napatunayan nitong responsable sa pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa Bicol, na naganap din sa sabungan.
Pero ang hinala ko, hindi naunawaan ng mga manonood na NPA sa yugtong iyun ang kapatid ni Junix. Wala naman kasing anumang palatandaan sa pelikula na ganito nga. Pero NPA man o hindi, malamang na papalakpakan ang eksenang ito ng mga manonood – bunsod ng pagkasuklam sa pagpapahirap na ginawa kina Junix at Maricel.
Hindi makakawala ang Dukot sa paghahambing sa Orapronobis. Sila naman kasi ang pinakamatapang na mga pelikulang progresibo sa kasaysayan ng bansa. Pareho silang nag-endorso ng paggamit ng dahas, at nagpapatanggap sa mga manonood na may mga tao sa lipunan na naitutulak na gumamit nito – anuman ang paghusga natin sa kanila.
Lumabas ang Orapronobis noong 1987; ang Dukot, ngayong 2009. Pareho silang kumukwestyon sa “demokrasya” sa bansa. Pareho silang lumabas sa isang panahon ng paghupa ng pampulitikang panunupil – kumpara sa panahon ng diktadurang US-Marcos at kasagsagan ng pampulitikang pagpaslang ng rehimeng Arroyo.
May pagkagulat sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Orapronobis – na ang mga porma ng pampulitikang panunupil na namayagpag noong panahon ng diktadura ay nagpapatuloy sa bagong rehimeng tinatawag na “demokratiko.” May pagkagulat dahil may pag-asang namamayani sa bagong rehimen, bukod pa sa ang militarisasyon sa kanayunan na isiniwalat ng pelikula ay hindi gaanong malaganap sa kaalaaman lalo na ng mga manonood na nakabase sa urban at ibang probinsyang hindi naging puntirya.
Bagamat may pagkagulat din sa pagkamalay at pagkagalit na dulot ng Dukot, mas dulot ito ng tindi ng brutalidad na ipinakita, na lingid sa kaalaman ng marami. May pangkalahatang kaalaman na kasi ang mga manonood sa isyu ng pampulitikang pagpaslang at pagdukot. Wala rin kasing namamayaning pag-asa sa demokrasya, kundi papadausdos na pesimismo at sinisismo rito at sa posibilidad nito sa bansa.
Kinakaya pa ng ibang bansa na panatilihin ang mga relasyon sa pag-aari sa pamamagitan ng mga pamamaraang tila hindi kasing-marahas tulad ng gamit sa ibang bansa. Nagagawa pa ng demokrasya sa mga bansang ito ang pagkamit ng resultang siyang dahilan kung bakit kailangan ang karahasan sa iba – sa partikular, ang tiyakin ang pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. [Bertolt Brecht, “Writing the Truth: Five Difficulties,” nasa Galileo, 1966.]
Ang problema sa Dukot, gayunman, ay nasa karakter na si Junix. Bukod sa pagiging masigasig na aktibista at marubdob na mangingibig, wala nang ipinakita sa pagkatao niya. Sa panahong tinotortyur siya at si Maricel, mas matatandaan siyang nagbigay ng palaban at matalas-sa-pulitikang mga pahayag. Na para bang sapat na tanganan ang mga pahayag na ito para maging matatag sa harap ng matinding pagpapahirap.
Sa tingin ko, hindi. Marami ang kailangan para maging matatag sa gitna ng tortyur at banta ng kamatayan. At ito sana ang naisama sa mga pagbabalik-tanaw sa buhay ni Junix: ang mga kwento ng katatagan ng mga naharap sa parehong sitwasyon, ang epekto ng pagtataksil sa mga kapwa-aktibista sa kanila at sa mga inoorganisang anakpawis, ang pagmamahal sa mga kasama at masa, ang mga biruan, at iba pa. Hindi naipakita ang paghango ng isang aktibista sa kultura ng paglaban at pagrerebolusyon sa bansa ng lakas para kaharapin ang pandarahas at banta ng pagpatay. Pwedeng sa ganitong konteksto umangat ang personalidad niya, o maipakitang nahubog.
Tampok ang paghahambing kung paanong mula sa pag-oorganisa at pamumuhay ay ikinahon ang katawan nina Junix at Maricel hanggang sa tuluyang pinatay ang mga ito at kung paano, sa kabilang banda at kasabay naman, umalpas ang katawan ng kanilang mga magulang sa tradisyunal na mga espasyo ng mga ito patungo sa paglaban.
Salamat sa mga manggagawang pangkarapatang pantao at sa buong kilusang progresibo, makatotohanan ang optimismo ng kwento ng pelikula: Na bagamat hindi mapapalitan ang mga aktibistang nagbuwis ng buhay, maging ang kamatayan nila ay pagkakataon para dumami ang mga lumalahok sa kilusang progresibo.
No comments:
Post a Comment