An aerial view aboard a Philippine Air Force chopper shows devastation brought by Tropical Storm Ketsana in Cainta, province of Rizal, eastern Manila.
NI JULIET DE LOZA/NOEL ABUEL/ERALYN PRADO /DINDO MATINING/JB SALARZON/TINA MENDOZA/AFP
Ginulantang kahapon ng walang patid na buhos ng ulan na hatid ng bagyong “Ondoy” ang rehiyon ng Luzon kung saan pangunahing sinalanta ay ang Metro Manila matapos nitong palubugin sa ga-hita hanggang lampas-taong baha ang 90 per cent ng kalungsuran.
Kasabay nito ay naitala ang 9-kataong nasawi dulot ng hagupit ni “Ondoy” sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Paliwanag naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) flood forecasting center, ang bumuhos na ulan kahapon ay katumbas ng halos dalawang linggong normal na pag-ulan.
Nabatid pa na simula alas-otso hanggang alas-11:00 pa lamang ng umaga ay umabot na sa 112 millimeters ang volume ng bumuhos na ulan at sobra-sobra na umano ito para bumaha ang malaking bahagi ng Kalakhang Maynila.
Bagama’t sunud-sunod ang bagyong pumasok sa teritoryo ng Pilipinas nitong nakalipas na tatlong linggo, ang pinagsama-sama nilang buhos ay naitala lamang sa sukat na 300 millimeters.
Samantala, isa pa sa nakadagdag ng biglang paglaki ng tubig ay ang obligadong pagpapakawala ng tubig mula sa mga water reservoir na mabilis na napuno at umangat ang tubig sa critical level dahil na rin sa walang patid at tila galit na galit na buhos ng ulan.
Unang nagpakawala ng tubig ang La Mesa Dam matapos umakyat sa 80.15 meters ang antas ng tubig dito. Sinundan ito ng pag-akyat din sa critical level ng tubig sa Angat Dam kaya’t napilitan din itong magpakawala ng tubig dakong alas-11:00 ng umaga.
Ilang oras makaraan ito ay nagpahayag din ang Magat Dam sa lalawigan ng Isabela na posible rin silang magpakawala ng tubig dahil sa mabilis na pag-akyat sa critical level.
Ang Ipo Dam ang unang nagbawas ng tubig dakong ala-1:20 ng madaling-araw nang buksan ang gates 2, 3 at 4. Makaraan ang ilang oras ay isinara na ang gate 2 at ang gates 3 at 4 na lamang ang iniwang nakabukas hanggang kahapon.
Bilang direktang resulta, 25 barangay sa Marilao, Meycauayan, San Miguel at Bocaue sa Bulacan ang lumubog sa flashfloods.
Sa pang-alas-dos ng hapong ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), umabot sa 33 barangay sa Metro Manila ang iniulat na lumubog sa baha: isa sa Maynila, dalawa sa Marikina City, anim sa Malabon City, dalawa sa Muntinlupa City, lima sa Quezon City, isa sa Makati City, isa sa Pasay City, lima sa Pasig City, isa sa Valenzuela City at siyam sa San Juan City.
Bukod pa rito, 37 kalsada sa Kalakhang Maynila ang idineklarang “impassable” o hindi madaanan ng maliliit na sasakyan.
Nguni't sa ulat ng Manila Police District (MPD) district tactical operations center, sa Maynila pa lamang ay 33 major at minor streets na ang hindi madaanan pagsapit pa lamang ng alas-12:30 ng tanghali.
Bunga nito, kinailangang gumamit ng mga 6x6 o 10-wheeler truck ang mga kawani ng Manila City Hall sa paghahatid ng mga relief goods sa evacuation centers at maging sa pag-rescue sa mga na-trap sa baha.
Sa kahabaan ng Epifanio Delos Santos Ave. (EDSA), daan-daang commuters ang na-stranded sa hindi inaasahang paglaki ng baha rito kung saan marami sa mga ito ang sumugod na at nagpakabasa sa ulan habang sinasagasa ang ga-tuhod hanggang ga-baywang na baha makaraan ang siyam na oras na pagtitiyaga sa walang galawang trapiko.
Sa Makati City, mahigit 1,000 pamilya sa Silverio Compound ng San Isidro ang kinailangang iligtas sa ga-bewang na baha. Samantalang umakyat din hanggang tuhod ang baha sa San Antonio, Palanan at Olimpia.
“We need the help of the concerned agencies to help us evacuating hundreds of (families) in eight out of nine barangays in Muntinlupa. They are in danger,” pagsusumamo ni Muntinlupa City Rep. Rufino Biazon.
Ang mga tirahang barung-barong ng mahigit 1,000 pamilya sa San Isidro, Parañaque City ay nilamon din ng malaking tubig.
Bunga nito, nagpasaklolo kahapon si Parañaque City Rep. Roilo Golez sa pamahalaan upang saklolohan ang mahigit 5,000 pamilyang naapektuhan ng baha sa kanyang distrito. Karamihan umano sa mga ito ay ngayon pa lamang nakalasap ng baha sa kauna-unahang pagkakataon.
Si Bayan Muna partylist Rep. Teodoro Casiño, sa kabilang dako, ay nangalampag naman ng rescue teams para saklolohan ang mga pamilyang na-trap sa biglang pagbaha kung saan marami sa mga ito ay nasa bubungan na ng kanilang bungalow na mga bahay sa kasagsagan ng buhos ng ulan.
Sa Kabikulan, tinatayang 1,000 hanggang 2,000-katao ang na-stranded matapos na harangin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang paglalayag.
Sa inisyal na ulat na 9-kataong nasawi, isa rito ay mag-ama na nabagsakan ng isang bumagsak na pader sa kasagsagan ng baha at buhos ng ulan samantalang apat na bata ang nalunod at tatlo pa ang tinangay ng malakas na agos.
Sa inisyal na ulat na 9-kataong nasawi, isa rito ay mag-ama na nabagsakan ng isang bumagsak na pader sa kasagsagan ng baha at buhos ng ulan samantalang apat na bata ang nalunod at tatlo pa ang tinangay ng malakas na agos.