February 20, 2009
by kapirasong kritika
Hindi pa sila “jologs.” Paglaki pa nila. Sa isang banda’y kinakaawaan pa sila ng mga petiburgis. Paglaki nila, kapag niyakap na nila ang pagkahubog sa kanila bilang kabataan, baka hindi na. (Galing ang magagandang larawan sa Bampogi.multiply. Salamat!)
[1] Mga kabataan sila, tinedyer at mas matanda pa. Kadalasan, nakatira sa mga komunidad ng maralitang tagalungsod – iyung tinatawag ng iba na “iskwater,” “iskwa-kwa,” “iskwating” – o maralita sa kanayunan. Mga anak ng mga manggagawa, magsasaka at mala-manggagawa, gayundin ng mga tinatawag na “lumpen” – mga sangkot sa mga gawaing anti-sosyal: nagnanakaw, nagbebenta ng droga, sangkot sa prostitusyon.
[2] Lantad sila sa iba’t ibang midya: telebisyon (ang iba’y may cable TV, at karamiha’y may mga programa at estasyong nagpapalabas ng mga music video), radyo, Internet. Gayundin sa iba’t ibang gaheto para sa midya: cellphone para sa musika at video, murang mga DVD player at DVD para sa mga pelikula, ang iba’y may mga i-pod para sa musika.
[3] Kung papaniwalaan ang suri ni Fredric Jameson, Marxistang Amerikano, na tampok na kahulugan ng “globalisasyon” sa antas ng kultura ang pag-igting ng komunikasyon at midya – na resulta ng pag-unlad ng teknolohiya para sa mga ito – masasabing anak ang mga “jologs” ng globalisasyon. Hindi aksidenteng nagsimula silang tawaging ganyan noong huling bahagi ng dekada ’90, matapos ang pagrurok ng magagandang retorika kaugnay ng “globalisasyon” – bagamat tiyak na sintomas din sila ng pagpapatuloy ng isang matagal-nang tradisyon ng pag-uugnayan ng mga uri sa lipunan.
[4] Noong huling bahagi ng dekada ’90, “hip-hop” ang subkulturang makikita sa kanila. Nitong huli, iba na: iyung tinatawag na “punk” bagama't malaganap din ang tinatawag na “emo rock.” May pagkakatulad ang hip-hop at punk: Nagmula ang una sa maralitang mga komunidad ng mga Aprikano-Amerikano sa US, nagmula ang ikalawa sa mga komunidad ng manggagawa sa Britanya. May hibo ng angas at protesta sa rasista at elitistang lipunan, bagamat madalas na seksista rin, ang una. Mas tampok ang angas at protesta sa elitistang lipunan ng ikalawa. Pareho silang palaban, taas-noo.
[5] Ang“emo rock,” sa kabilang banda, ay tila mas impluwensya ng mga bandang Kano. Mahilig sa itim, naglulunoy sa kalungkutang kadalasa’y resulta ng pag-ibig. May nakapagsabing kakatwa ang mga titik ng mga kantang “emo”: kadalasang tungkol sa pag-ibig na hindi nauunawaan, dahil hindi naman nasasabi at inuunawa, at nagdudulot ng grabeng pighati sa personaheng kumakanta. Kabaligtaran samakatwid ng mga titik ng mga kanta ng Bon Jovi, halimbawa, na OA – “over-the-top,” sabi ni Kenneth Guda – ang pagpapahayag ng pag-ibig: “I wanna lay you down in a bed of roses / Cause tonight I sleep in a bed of nails / I wanna be just as close as the Holy Ghost is…”
[6] Pananamit at pisikal na itsura ang tampok na tatak nila. Nakakabili sila sa mga murang tindahan ng damit, ukay-ukay at mumurahing stall sa mga mall. Kasabay ng paglalako sa kanila ng iba’t ibang subkultura, binibihisan din sila; kasabay ng pagbibigay ng pantasya ang pananamit. Maaaring ang mga damit na ito ang binibili nila sa perang dati na nilang inilalaan sa damit, maaaring katas ng pinaghirapan ng mga magulang o kamag-anak na OFW, nagtatrabaho, o gumagawa ng mga aktibidad na anti-sosyal. Mayroon din silang bukod-tangi at tawag-pansing mga estilo sa buhok.
[7] May mga espasyo rin sila, kung saan madalas silang nakikita ng mga tumatawag sa kanilang “jologs”: mga mall, lalo na iyung hindi pang-alta sosyedad, mga bakanteng lote para sa mga nagse-skateboard, mga Internet café. Parang ulap na punung-puno ng ulan, naglalakad sila sa kalsada, sama-sama sa pagdalo sa mga konsyertong rock.
[8] Hindi naman sila nagpipilit na magmukhang mayaman. Isa lang ang subkulturang niyayakap nila sa iilang imahe at molde ng pagiging kabataan – at oo, ng “uso” at “astig” din – na nakahapag sa kanila, na ipinang-aakit at idinidikdik din sa kanila. Wala silang gaanong pagpipilian. Pero dahil dito, tinawag at tinatawag silang “jologs.”
[9] Hindi tinatawag na “jologs” ang mahirap na nakasuot ng damit na karaniwan nang itinuturing na pang-mahirap tulad ng maruming t-shirt at pantalong maong. Hindi “jologs” ang magsasakang naka-kamisa chino, kahit ang taong-grasa, ang manggagawang naka-uniporme. Pero “jologs” ang mga maralita na tila umaalis sa pang-kulturang “lugar” na itinatakda sa kanila ng lipunan – tumutulad sa mga Amerikano, lumilibot sa mga espasyo kung saan nakikita sila ng iba. Tiwala sa sarili, masayang ipinapakita ang kanilang subkultura, bagama't parang may sariling mundo sa pagsasaya.
[10] Kaya pang-distansya ng mga nasa nakatataas na uri ang salitang “jologs” – pagmamaliit (sa mga binabansagan) at pagmamataas (ng mga nagbabansag). Partikular ang uring gumagamit nito: petiburgis – mga estudyante, propesyunal. Sila ang mas lantad sa mga “jologs,” hindi ang mga anak ng mga burgesya-komprador at malalaking panginoong maylupa. Bihira sigurong marinig ang salitang ito sa mga mansyon ng mga Cojuangco at Lopez. Kaya nilang iwasan at layuan ang mga “jologs.” Ang mga petiburgis, hindi. Sila ang nababastusan sa mga ito, naaalibadbaran, nandidiri.
[11] Jologs ang Cueshe, hindi ang Bamboo – “far from it!” pahabol pa ng iba. Jologs si Vhong Navarro, hindi si Billy Crawford. Jologs si Andrew E. pero hindi si Gloc-9. Jologs si Marian Rivera, bagama't hindi na daw si Judy Ann Santos. Sa mga sirkulo ng mga petiburgis, tinatawag nang “jologs” ang kung anu-ano at kung sinu-sino na maaaring niyayakap sa aktwal ng mga tinatawag na “jologs” at maaari ring hindi. Ang hindi niyayakap ng mga “jologs,” may marka nila, ng pagiging “masa”: malabis sa emosyon o kaya’y kengkoy, may palatandaan ng pagiging maledukado at mahirap.
[12] Obserbasyon ni Barbara Ehrenreich, progresibong manunulat na Amerikana, paunti nang paunti ang pagkakataong magkita nang mata-sa-mata ng mayayaman at mahihirap sa US. Ang mayayaman, sa ibang lugar nakatira, nagtatrabaho, namimili, nagpapalipas-oras, nagrerelaks. May mga sasakyan sila – ang iba’y panghimpapawid pa – para makalipat-lipat sa kanilang mga espasyo. May katulad na obserbasyon si Neferti Xina M. Tadiar, feministang Pinay, sa sikat niyang sanaysay hinggil sa mga flyover sa Metro Manila. Aniya, paraan din ang mga istrukturang ito para malampasan at maiwasan ng mayayaman sa bansa ang mga espasyo ng mahihirap na naglawa sa ibaba – tindahan sa bangketa, barung-barong, traysikel at pedikab.
[13] Pagpapatuloy ng tunguhin at lohikang ito ang panukalang magtayo ng pader paikot sa UP: ang ilayo ang mga anak-mayaman at umaastang anak-mayaman sa “banta” ng mga “jologs” at ng mga kauri nila – kasama na ang kontrobersyal na mga krimen sa kampus. Natural na sa UP ito magiging isyu, dahil matagal nang nababakuran ang Ateneo, La Salle at iba pa. Gusto nitong panatilihin ang pantasyang liberal ng isang unibersidad ng malayang talakayan sa balangkas ng konserbatibong mga hakbangin – kasama ang pag-demolish sa mga tahanan ng mga maralita sa paligid ng kampus. Ang pagkilala na bahagi ang UP ng lipunan ay nagtutulak ng pagpapatianod sa mapanupil na mga hakbanging ginagamit ng lipunan laban sa maralita.
[14] Ang paghubog ng mga bagong midya sa kabataan, na isa sa mga nagluwal ng “jologs” ay isa ring dahilan sa naikwento ng isang kaibigang organisador ng mga kabataan at estudyante: Na mabilis dumami sa mga komunidad ng maralita ang Karatula o Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan, makabayang organisasyong pangkultura ng kabataan.
[15] Ang “jologs” na ba ngayon ang dating “bakya”?
(Salamat kina Angela at Katrina Stuart-Santiago, nabalitaan ko ang talakayan sa blogosphere tungkol sa insidente ng “panggugulo” ng mga “jologs” sa fair ng Unibersidad ng Pilipinas noong Pebrero 13.)
19 Pebrero 2009
Heto naman ang isinulat ni Prop. Roland B. Tolentino tungkol sa mga “jologs” at ng makatang si Jose F. Lacaba tungkol sa mga “bakya.”
Nood tayo! Ipapalabas palang muli ang Pagsambang Bayan, sikat na dula ng isa sa pinakamasipag – jingle lang ang pahinga! – at pinakamahusay na progresibong manggagawang pangkulturang si Bonifacio P. Ilagan.
No comments:
Post a Comment